Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書
Marcos 14
Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus
1Pagkaraan ng dalawang araw ay ang pista ng Paglampas at pista ng tinapay na walang pampaalsa. Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay humahanap ng paraan upang palinlang nilang mahuli at maipapatay si Jesus. 2Ngunit ang sabi nila: Huwag sa araw ng paggunita, at baka magkagulo ang mga tao.
3Samantalang siya ay nasa Betania, dumulog siya sa hapagkainan sa bahay ni Simon na isang ketongin. May dumating na isang babaeng may dalang garapong alabastro na puno ng mamahaling pabango na purong nardo. Binasag niya ang garapong alabastro at ibinuhos niya ang pabango sa ulo ni Jesus.
4Ang ilan sa mga naroroon ay lubhang nagalit at nagsabi: Bakit niya sinayang ang pabango? 5Naipagbili sana ito nang higit sa tatlong daang denario at naipamahagi sa mga dukha. At pinagalitan nila ang babae.
6Ngunit ang sabi ni Jesus: Hayaaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginagambala? Mabuti ang ginawa niya sa akin. 7Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama. Tuwing nais ninyo, magagawan ninyo sila ng mabuti. Ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. 8Ginawa ng babaeng ito ang kaniyang makakaya. Ipinagpauna na niya ang pagpahid sa aking katawan para sa aking libing. 9Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa niyang ito ay mababanggit. Ito ay magiging isang pag-alaala sa kaniya.
10Si Judas na taga-Keriot, isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga pinunong-saserdote upang ipagkanulo si Jesus. 11Pagkarinig nila, sila ay natuwa at nangakong bigyan siya ng salapi. Naghanap siya ng tamang panahon kung papaano ipagkakanulo si Jesus sa kanila.
Ang Huling Hapunan
12Sa unang araw ng pista ng tinapay na walang pampaalsa, kaugalian nilang magkatay ng batang tupa ng Paglagpas. Sinabi ng mga alagad ni Jesus sa kaniya: Saan mo nais na kami ay pumunta upang maihanda namin ang hapunang Paglagpas upang ikaw ay makakain?
13Kaya sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo sa lungsod at may masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya. 14Sabihin ninyo sa may-ari ng sambahayan na kaniyang papasukan. Sinabi ng guro: Saan ang silid-pampanauhin na aking kakainan ng hapunan para sa Paglagpas kasama ng aking mga alagad? 15Ipapakita niya ang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at nakaayos na. Doon kayo maghanda para sa atin.
16Umalis ang mga alagad at pumasok sa lungsod. Natagpuan nila roon ang gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. Inihanda nila ang hapunang Paglagpas.
17Nang gumabi na, si Jesus ay dumating kasama ng labindalawang alagad. 18Habang nakadulog at kumakain, sinabi ni Jesus: Katotohonang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo na kumakaing kasalo ko.
19Sila ay nagsimulang nalungkot at isa-isang nagsabi sa kaniya: Ako ba? Sinabi rin ng iba: Ako ba?
20Sumagot sa kanila si Jesus: Ang isa sa inyo sa labindalawang alagad na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok, siya iyon. 21Ang naisulat patungkol sa Anak ng Tao ay siyang mangyayari sa akin. Ngunit sa aba ng taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya ipinanganak.
22Habang kumakain sila, dumampot ng tinapay si Jesus. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kanila. Sinabi niya: Kunin ninyo ito at kainin, ito ay aking katawan.
23Kinuha niya ang saro at matapos magpasalamat ay ibinigay niya sa kanila. Silang lahat ay uminom sa saro. 24Sinabi niya sa kanila: Ito ang aking dugo ng bagong tipan na nabuhos para sa marami. 25Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi ako iinom ng bunga ng ubas hanggang sa araw na maipanumbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng Diyos.
26Umawit sila ng isang himno. Pagkatapos, sila ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.
Hinulaan ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro
27Sinabi ni Jesus sa kanila: Katitisuran ninyo ako ngayong gabi sapagkat nasusulat:
Sasaktan ko ang pastol at ang tupa ay mangangalat.
28Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.
29Sumagot si Pedro: Kahit na katitisuran ka ng lahat, ako ay hindi.
30Sinabi sa kaniya ni Jesus: Katotohonang sinasabi ko sa iyo, ngayong gabing ito, bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila.
31Ngunit lalong naging matigas ang sinabi ni Pedro: Kung kailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ikakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng alagad.
Nanalangin si Jesus Doon sa Bundok ng Olibo
32Sila ay dumating sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Umupo kayo rito habang ako ay nananalangin. 33Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag nang lubha at lubos na nahirapan ang kaniyang kalooban. 34Sinabi niya sa kanila: Ang kaluluwa ko ay lubhang namimighati na halos aking ikamatay. Dumito kayo at magbantay.
35Nang makalayo siya ng kaunti, nagpatirapa siya sa lupa at nanalangin. Idinalangin niya na kung maaari ay lumagpas sa kaniya ang pangyayaring ito. 36Sinabi niya: Abba, Ama. Ang lahat ng mga bagay ay magagawa mo. Alisin mo ang sarong ito sa akin, ngunit hindi ang aking kalooban ang mangyari kundi ang kalooban mo.
37Lumapit siya sa mga alagad at nasumpungan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang magbantay nang isang oras? 38Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso. Ang espiritu ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.
39Siya ay muling umalis at nanalangin na sinasabi ang gayunding salita. 40Siya ay bumalik at muling nasumpungan silang natutulog sapagkat antok na antok na sila. Hindi nila alam kung ano ang nararapat nilang isagot sa kaniya.
41Lumapit siya sa ikatlong ulit at sinabi sa kanila: Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, dumating na ang oras. Narito, ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 42Bumangon kayo! Tayo na! Narito, ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.
Dinakip Nila si Jesus
43Kapagdaka, habang nagsasalita pa siya, si Judas na isa sa labindalawang alagad ay lumapit. Kasama niya ang napakaraming tao na may dalang mga tabak at pamalo. Ang mga taong ito ay galing sa mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda.
44Siya na nagkanulo ay nagbigay sa kanila ng tanda na nagsasabi: Sinuman ang aking halikan ay siya na nga. Dakpin ninyo siya at dalhing palayo at bantayang mabuti. 45Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. Sinabi niya: Guro! Guro! At mataimtim niyang hinalikan si Jesus. 46Pagkatapos nito, si Jesus ay sinunggaban at dinakip ng mga tao. 47Ngunit isa sa mga nakatayo doon ay bumunot ng tabak at tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.
48Si Jesus ay sumagot na nagsasabi sa kanila: Pumunta ba kayo ditong may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na tulad ng isang tulisan? 49Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ito ay upang ang mga kasulatan ay maganap. 50Iniwan nila si Jesus at silang lahat ay nagmamadaling tumakbo.
51Isang binata ang sumusunod kay Jesus na walang suot sa katawan maliban sa nakabalabal na lino. Siya ay sinunggaban ng mga binata. 52Ngunit iniwan niya ang nakabalabal sa kaniya at nagmamadaling tumakbo mula sa kanila na walang damit.
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin
53Dinala ng mga tao si Jesus patungo sa pinakapunong-saserdote. Ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga matanda at mga guro ng kautusan ay nagkatipon sa kaniya. 54Samantala, si Pedro ay sumusunod sa kaniya sa may di-kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay nakiupo kasama ng mga tanod at nagpapainit sa apoy.
55Ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin ay humanap ng saksi laban kay Jesus. Ito ay upang mapatay nila si Jesus. Ngunit wala silang nahanap. 56Ito ay sapagkat maraming nagbigay ng maling patotoo laban sa kaniya ngunit ang kanilang mga patotoo ay hindi magkakatugma.
57May ilang tumayo at nagbigay ng maling patotoo laban sa kaniya. 58Sinabi nila: Narinig namin siyang nagsasabi: Gigibain ko ang banal na dakong ito na gawa ng mga kamay. Sa loob ng tatlong araw, magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay. 59Ngunit maging ang patotoo nilang ito ay hindi magkakatugma.
60Ang pinunong-saserdote ay tumayo sa gitna at tinanong si Jesus. Sinabi niya: Wala ka bang isasagot? Ano itong mga paratang na laban sa iyo? 61Siya ay nanatiling tahimik at walang isinagot. Muli siyang tinanong ng pinunong-saserdote.
Sinabi nito sa kaniya: Ikaw ba ang Mesiyas na pinahiran, ang Anak ng Pinagpala?
62Sinabi ni Jesus: Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng makapangyarihan. Makikita ninyo siya na dumarating sa mga ulap ng langit.
63Pinunit ng pinunong-saserdote ang kaniyang mga damit. Sinabi niya: Kailangan pa ba natin ang mga saksi? 64Narinig ninyo ang kaniyang pamumusong. Ano sa palagay ninyo?
Silang lahat ay nagbigay hatol patungkol sa kaniya na siya ay nararapat mamatay. 65Ang ilan ay nagsimulang duraan siya. Piniringan nila siya at pinagsusuntok at sinabi sa kaniya: Maghayag kang tulad ng isang propeta. Pinagsasampal siya ng mga tanod.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus
66Nang si Pedro ay nasa patyo sa ibaba, isang utusang babae ng pinunong-saserdote ang dumating. 67Nakita ng lingkod na babae si Pedro na nagpapainit. Pagkatapos niyang pagmasdang mabuti si Pedro, sinabi niya: Ikaw ay nakasama ni Jesus na taga-Nazaret.
68Nagkaila si Pedro. Kaniyang sinabi: Hindi ko alam ni nauunawaan ang sinasabi mo. Siya ay lumabas patungong portiko at isang tandang ang tumilaok.
69Nakita siyang muli ng isang utusang babae. Nagsimula siyang magsabi sa mga nakatayo: Siya ay isa sa kanila. 70Muling nagkaila si Pedro.
Pagkatapos ng maikling sandali, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat ikaw ay isang taga-Galilea at ang punto mo ay tulad sa isang taga-Galilea.
71Sinimulan niyang sabihin: Sumpain man ako ng Diyos. At nanumpa siya: Hindi ko kilala ang lalaking ito na sinasabi ninyo.
72Sa ikalawang pagkakataon tumilaok ang isang tandang. Naala-ala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: Bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang, ikakaila mo ako nang tatlong ulit. Nang maisip niya ito, siya ay tumangis.
Tagalog Bible Menu